Friday, 17 April 2009

Mura lang naman...

Putangina!

Letse!

Hayup!

Gago!

Tanga!

Naknamputs!

Kanina pa niya paulit-ulit na isinisigaw ang mga kataga. Ngunit walang nakaririnig, maliban siguro sa dibdib niyang kanina pa rin naiirita sa sumasabog niyang mura.

Walang tinig na lumalabas sa nangangatal na labi niya______________________.

BLANGKO

Sa loob ( ) palagi na lang nasa loob ( ).

Si Marco at Magda magkasama na naman kasi at itong si Lukas ayan kanina pa impit na ngumangawa sa canteen. Tuwing tanghalian na lang ganito ang eksena sa ika labinlimang palapag na pinapasukan ni Lukas. Isang pagtitimpi.

Bagong gradweyt lang si Lukas nung nakaraang taon, mataas pa ang mga ideolohiya sa buhay. Naniniwalang ang bawat manggagawa ay may malaking kontribusyon sa lipunan. At siya bilang isang mensahero ng Krimpft and Ylrey Company ay mahalaga, ayun sa kanya habang ipinagmamalaki ang sarili sa kapatid nung araw na matanggap ito "Ang aking maliit na gawain ay tumutulong sa pinag-sama-sama pang galing ng iba pang kasamahan ko." Umiling lang ang bunso kasabay ng maliit na buntong hiningang may halong pangungutya.

"Lukas Nikolo Garcia tawag ka sa maintenance" wika ni Magda.

Si Maggie Danaya Delos Reyes ang tinig na sumalubong sa unang araw niya sa Krimpft and Ylrey Company. Ang paulit-ulit na tinig na gagambala sa dating himbing niyang pagtulog sa magdamag.
Kinatanghalian sa kantina, baon ang lakas ng loob ay nagpasiya siyang lapitan ang dinidibuho. Sabi nito sarili "Ang ganyang binibini ay minsang lang kung dumating."

Upang magkaroon ng dahilan sa paglapit ay bumili muna ito ng adobo. Swerte daw sa kanya ang adobo minsang naikwento ng kanyang ina. Adobo ang nasa hapag-kainan ng unang maramdaman ng ina ang hilab ng tiyan, sa simula maliliit lamang na kibot at ng maglaon bago matapos ng ina ang hapunan ay nagsunod-sunod na ang kirot. Lumabas daw siya kasama ng mga adobong kinain ng ina, yan ay ayon sa komadronang nagpaanak dito. Kaya't naisip ng ina na sa tuwing may espesyal na okasyon sa buhay ng anak na si Lukas ay hindi siya magngingiming maghanda ng adobo. At ngayong kaharap nga ang dalagang kinapupusuaan "tiyak na wala ng kawala, itinakda na ng adobo" mahinang bulong nito sa sarili. Naisip nitong magpanggap na luminga-lingang naghahanap ng mauupuan, napansin kasi nitong bakante pa ang nasa tabi nito.

Lapit.

Lapit.

Lapit.

Iwas...

-isa
-dalawa
-tatlo
-apat
-limang araw ang lumipas

-isa
-dalawa
-tatlo
-apat na Linggo ang lumipas

-isa
-dalawa
-tatlong buwan na ang dumaan

IWAS...

...nandun pa rin siya palaging nakadungaw sa kantina. NAGMUMURA